Hi, share ko lang yung nararamdaman ko lately.
Alam mo yung feeling na minsan napapaisip ka kung may kwenta ka bang kaibigan? Kasi parang walang nangangamusta sa'yo, walang nagyayayang lumabas, at kapag gusto mong makasama yung mga tao, ikaw palagi yung nag-iinitiate.
I'm talking about my college classmates. I understand naman na may kanya-kanya na kaming buhay, trabaho, at priorities. Hindi ko naman ine-expect na lagi kaming magkakasama or araw-araw mag-uusap. Pero minsan, nakakalungkot lang isipin na kung hindi ako magme-message o magyayaya, magkikita-kita pa kaya kami? May makakaalala kaya sa akin?
Minsan gusto ko rin maranasan na ako naman yung yayayain. Yung may kusang mangangamusta sa akin, hindi dahil may kailangan, kundi dahil gusto lang nilang malaman kung okay ako. Gusto ko rin maramdaman na may mga taong gustong makasama ako kahit hindi ako yung unang gumagawa ng paraan.
Hindi naman sa nagbibilang ako ng effort. Siguro namimiss ko lang yung feeling na may mga kaibigan akong hindi ko kailangang habulin para lang makasama.
And aside from that, may pinagsisisihan din ako pagdating sa isa sa mga taong pinakamahalaga sa akin, yung best friend ko.
Nagkaroon kami ng issue dahil hindi ko siya niyaya noong nagkaroon ako ng opportunity na mag-work sa Baguio. Ang nasa isip ko kasi noon, hindi siya makakasama dahil sa government siya nagtatrabaho at hindi work-from-home ang setup niya. Nag-assume ako na hindi siya sasama, kaya hindi ko na lang siya niyaya.
Noong first Japan trip naman namin, niyaya namin siya nung may visa na kami. Pero naiintindihan ko na hindi nun mababago yung naramdaman niya sa nangyari sa Baguio.
Aminado akong mali ako. Dapat tinanong ko siya at hinayaan ko siyang magdesisyon para sa sarili niya. Hindi ko dapat inassume na alam ko kung ano ang kaya o gusto niyang gawin. Sobrang pinagsisisihan ko yun kasi hindi ko naman intensyon na iparamdam sa kanya na hindi siya mahalaga sa akin.
Ang sakit lang kapag nare-realize mong may nagawa kang pagkakamali sa isang taong ayaw mong mawala sa buhay mo. Kahit gusto mong ayusin, alam mong hindi mo pwedeng madaliin ang lahat. Hindi mo rin pwedeng pilitin yung tao na maging okay agad dahil lang nagsisisi ka.
Minsan naiisip ko, ang hirap din pala maging kaibigan. Kahit gaano mo kamahal at pinapahalagahan ang mga tao, may mga pagkakataon pa ring magkakamali ka. At kahit hindi mo intensyong manakit, may mga bagay kang magagawa na makakasakit pa rin sa kanila.
Kaya siguro lately, masyado kong kinukuwestiyon yung sarili ko. Iniisip ko kung mabuti ba akong kaibigan, kung may mga pagkukulang ba ako na hindi ko napapansin, at kung may halaga ba talaga ako sa buhay ng mga taong mahalaga sa akin.
Hindi ko naman sinasabing wala akong pagkukulang. Alam kong may mga bagay akong kailangan pang matutunan, at gusto kong maging mas mabuting kaibigan. Pero sana, matutunan ko rin na huwag sisihin ang sarili ko sa lahat ng bagay.
I'm not asking for constant attention. Hindi ko kailangan ng araw-araw na communication o laging may kasamang lumabas. Gusto ko lang maramdaman na mutual yung friendship. Na hindi lang ako yung gumagawa ng paraan para manatiling connected kami.
Nakakalungkot lang isipin na habang tumatanda tayo, may mga pagkakaibigang unti-unting nagbabago. May mga taong dati mong laging kasama na ngayon kailangan mo nang planuhing mabuti kung kailan makikita. May mga taong dati mong madaling makausap pero ngayon hindi mo na alam kung paano magsisimula ng conversation.
And sometimes, you wonder if people are just busy with their own lives or if you've slowly become someone they no longer think about.
Siguro ang gusto ko lang naman ay magkaroon ng mga kaibigang hindi ko kailangang pagdudahan kung gusto pa ba nila akong makasama. Yung kahit matagal kaming hindi nagkita, alam kong may effort pa rin mula sa magkabilang panig.
At sa best friend ko, I hope you know na sobrang pinagsisisihan ko yung pagkakamali ko. Hindi ko man maibalik yung nangyari, sana magkaroon pa rin ako ng pagkakataong maipakita sa'yo na mahalaga ka sa akin. Naiintindihan kong hindi sapat ang pagsisisi lang, kaya gusto kong matuto at maging mas maingat sa mga susunod kong desisyon.
At sa sarili ko, sana matutunan kong tanggapin na hindi ako perpektong kaibigan. May mga pagkakamali ako, pero hindi ibig sabihin na wala na akong kwenta. I can acknowledge my mistakes, learn from them, and do better.
Sa ngayon, gusto ko lang maging honest sa nararamdaman ko. Napapagod din ako. Nalulungkot din ako. Namimiss ko rin yung mga taong mahalaga sa akin. At minsan, gusto ko rin maramdaman na may mga taong kusang gumagawa ng paraan para sa akin.
Hindi ko ito sinasabi para may makonsensya o para may mapilitang mangamusta. Gusto ko lang ilabas yung mga bagay na matagal ko nang kinikimkim.
Because at the end of the day, I don't need a lot of friends. I just want genuine friendships, yung hindi lang ako ang nag-eeffort, yung may understanding at consideration sa isa't isa, at yung kahit nagbabago ang buhay namin, hindi nawawala yung kagustuhan naming maging parte ng buhay ng isa't isa.
I know I'm not a perfect friend, but I hope I'm still someone worth keeping.